Clarry Jones R. Rabaja
Namuo, at tila nga ba’y unti-unti nang tumitigas ang pinagmulan ng ating kasarinlan—ang ating kasaysayan. Huwag hayaang ito’y matulog na lamang sa malamig na panahon kagaya ng mantika, kasabay ng hilik, at himbing ng mga taong hindi mulat sa katotohanan.
Sampung piso ni Mabini, kilala mo pa ba? Sampung pisong barya ni Mabini, nakilala mo na ba? Tanawin at kilatisin ang kasaysayan kahit sa mumunting papel at barya. May nagbago man bunsod ng pag-unlad, nakaukit at nakaimprenta pa rin ang kasaysayan sa sampung pisong halaga.
Ika-siyam ng Abril, ginugunita ang Araw ng Kagitingan, naaalala mo pa ba? Ito’y nagsilbing araw para paalalahanan ang lahat ang kagitingan at katapangan ng mga Pilipinong nakipaghimagsik. Hindi ito selebrasyon, bagkus isang pagkilala.
Walong oras sa paaralan para magkaroon ng makabuluhang ideya, sapat para ipalaganap ang tamang impormasyon. Saliksikin kung ano ang tama, at magkaroon ng kamalayan. Nagsuot ng palamuti, damit na mayroong larawan ng bayani, ngunit hindi man lang lubos na kilala—ang kabalintunaan.
Pitong araw sa isang linggo, sa anong araw nga ba binaril si Rizal? Sa anong araw kaya umupo ang ating ika-labing-pitong presidente ng Pilipinas? Sa anong araw mo kaya narinig ang mga tsismis sa inyo? Marahil mas natatandaan mo pa ang mga tsismis na ito. Imulat ang mga mata’t gisingin ang tulog mong mantika.
Anim na minuto o mas higit pa, pagtuunan ng pansin, aralin kung ano ang mga binabasa, at huwag magpapaniwala nang basta-basta. Anim na oras o mas higit pa, aralin ang mga kasinungalingan sa kasaysayan, magsilbing puhon para isiwalat ang mga maling gawain.
Limang paraan, o mas higit pa kung paano gising ang tulog na mantika. Ilagay sa kaldero’t isaing sa kalan, hindi sa kanal. Ibabad sa mainit na tubig, hindi sa mga bumubula ang bibig. Ilipat sa mainit na lugar; ilapit sa may apoy. Manaliksik, maghanap ng paraan para isiwalat ang katotohanan.
Apat na letra sa salitang ‘tama’, ngunit malawak ang makabuluhang konteksto nito sa ating kasyasayan. Maaring sumuri ng anumang impormasyon, isaaalang-alang lamang ang pinagmulan nito, maging obhetibo, at maaari ring magtanong sa mga eksperto.
Tatlong bituin ang nasa watawat ng Pilipinas: Luzon, Panay, at Mindanao. Bawat isa’y may malalim at mahalagang kultura at kasaysayan na pinapahalagahan. Ipagbunyi ang kasaysayan
at puksain ang anumang kamalian na bunga ng pagbabago at pagrerebisa sa dati nang naisalaysay na kasaysayan.
Dalawa lamang ang pagpipilian: Matulog nang mahimbing sa malamig na panahon at hayaan ang sariling mantika na humilik at takasan ang paglaganap ng taliwas na kultura’t kasaysayan o Bumangon at harapin ng buo ang init ng lipunan at hayaan ang sariling mantika na dunaloy at halikan ang paglaganap ng wastong kamalayan sa ating kultura’t kasaysayan.
Maging isang mananaliksik, tagapagbatid, at mananalaysay. Makialam, at gamitin ang pagiging Pilipino sa pagsisiwalat kung ano ang naging mali, kung ano ang tama, isiwalat kung ano ang nararapat. Kabataan ay siyang behikulo sa pagpapanatili at pagreserba ng maayos at wastong kultura’t kasaysayan ng bansa. Kabataan ang siyang gigising sa natutulog na mantika.