John Matthew A. Cabural

Ako ay isang pirasong papel. Blangko. Naghihintay na matintahan ng amo ko. At natapos nga ang pag-aabang noong dekada ’70 nang kilitiin ako ng bolpen mula ulo hanggang paa – hanggang mapuno, hanggang mabuhay. Pinagtagpi-tagpi kaming mga papel gamit ang sinulid, at sama-sama’y naging libro. Masaya dahil kaluluwa’y natamasa, ngunit malungkot din nang umalis ang amo namin nang walang paalam, at hindi na muling bumalik. Dinakip kami ng mga kapwa kong libro sa aklatan, at dinig ko ang hiyaw nila nang sila’y sumiklab sa apoy. Sa kabutihang palad, nakaligtas ako. Ngunit, inimbak ako sa isang madilim na arkibong kakarampot ang pag-asang muling masilayan ang inaasam na kinabukasan.

Matapos ang halos kalahating siglo ng paghihintay, laking tuwa ko nang matagpuan ako ng isang grupo. Mga batang siguro’y nasa 16 hanggang 18 taong gulang.

Halatang nag-uumapaw sa pagmamahal at kuryusidad ang puso’t isipan. Bakas sa kanilang mga mukha ang dalawang emosyon: galit na dulot ng pighati, at galak dahil sila’y may potensyal na mag-upat ng pagbabago. At sa wakas, limampung taon na ang nakalipas, at ngayon – ako’y bubuklatin na.

Kabataan, ito ang kailangan niyong gawin.

Basahin ako, at dalumatin. Sa aking diwa nakalimbag ang katotohanan ng kasaysayang pilit binabaluktot ng mga naghaharing-uring hugas-kamay sa nakaraang puno ng walang habas na pagpapatahimik at pamamaslang. Bitbit ko ang hinagpis ng mga pamilyang winasak at ng mga karapatang niyurakan. Pinalalakas ko ang mga naghuhumiyaw na daing ng pitong libong kinulong, ng tatlumpu’t apat na libong pinahirapan, at ng tatlong libong pinatay. Ako ang purong katotohanang may kapangyarihang magpaalala ng inhustisyang sinapit ng mga taong ipinaglaban ang malaya at mapagpalayang katotohanan ng kasaysayan.

Gamitin ako upang hubugin ang pambansang kamalayan at pambansang konsensiya. Sa mundo ngayon, hindi na sapat ang kaalaman lang. Kinakailangang bigyan niyong kabuluhan ang mga salita’t pangungusap ko upang payabungin ang inyong kritikal na pag-iisip nang sa gayo’y mamulat kayo. Higit dito, mahalaga ring sumibol ang konsensiya niyo sapagkat nabubungkal lamang ang ugat ng problema sa pamamagitan ng paglangoy sa malalim, at hindi sa pagtayog sa rurok.

Umaksiyon nang nakaangkla sa makatotohanang kasaysayan. Sa punto kung saan kumpleto na ang kaalaman, kamalayan, at konsensiya; ang susunod na hakbang ay ang pagsasareyalidad nito. Makialam. Bata o matanda, mahirap o mayaman, anupaman ang kasarian – lahat ay may boses sa isang demokrasiya. Sa isang mundong binabalot ng teknolohiya, napakaraming paraan upang makisangkot. Maging mabusisi sa mga binabasa sa 

Internet. Magbahagi ng infographics sa social media. Maging volunteer sa mga museo sa lungsod at sa bansa. Sumali sa mga youth organizations na nilalabanan ang pagratsada ng fake news.

Kabataan, gamitin mo ang kapangyarihan naming mga libro upang bawiin ang kasaysayang pilit kinukubli at nagpupumiglas na makalaya.

Kagaya ko noon, walang kapangyarihan ang isang piraso ng blangkong papel.

Ngunit nang kami’y tintahan at nagsama-sama, nakabuo kami ng isang librong patuloy na pinahahalagahan ang katotohanan ng nakaraan. Sa parehong paraan, ang pagtitinta ng kaalaman sa inyong diwa, at ang hawak-kamay na pagtutulungan ay magkakampeon ng isang kasaysayang may saysay, at isang kasaysayang hindi sayang.